On-site na pasok sa SC at iba pang appellate collegiate courts sa Metro Manila, balik muli sa Miyerkules

Magbubukas na muli nang pisikal ang Korte Suprema at ang iba pang appellate collegiate courts sa NCR sa Miyerkules, Pebrero 2 makaraang ibaba sa Alert Level 2 ang rehiyon.

Sa magkakahiwalay na kautusan, sinabi na balik na muli ang on-site na pasok bukas ng mga mahistrado at empleyado sa Supreme Court, Court of Appeals, Court of Tax Appeals, at Sandiganbayan.

Pero, tatlong araw lang papasok nang pisikal sa mga tanggapan ang court personnel habang work-from-home ang dalawang araw.

Ang mga mahistrado at hepe ng bawat opisina ang magdidetermina ng shift o iskedyul ng pasok ng mga empleyado para masunod ang physical distancing sa mga korte.

Kinakailangan naman na magpa-antigen test ang mga kawani na papasok on-site sa mga hukuman bilang pag-iingat pa rin sa COVID-19.

Moira Encina

Please follow and like us: