Pag-imprenta ng official ballots, ipinagpatuloy ngayong araw ng Comelec

Matapos ilang beses maantala, ipinagpatuloy na ng Commission on Elections (Comelec) ngayong araw, ang pag-imprenta ng mga opisyal na balota para sa May 12 National and Local elections.
Back to zero ulit ang printing ng mga balota sa National Printing Office (NPO), matapos ibasura na ang anim na milyong balota na una nang naimprenta kasunod nang inilabas na temporary restraining order (TRO) ng Korte Suprema, sa ilang nadiskuwalipikang kandidato.
Noong Enero 22 sana ipagpapatuloy ng Colelec ang printing ng mga balota, pero naglabas ulit ng TRO ang Korte Suprema para sa Senatorial bet na si Francis Leo Marcos.
Inamyendahan ulit ng poll body ang ballot face at isinama rin ang pangalan ni Francis Marcos, pero iniatras naman nito ang kandidatura at binawi ang isinumiteng certificate of candidacy.
Dahil dyan, balik ulit sa dati ang Comelec, at pangalan na lang ni Subair Mustapha ang naragdag sa senatoriables.
Nananatiling 66 ang bilang ng mga kandidato sa pagkasenado na nasa ililimbag na balota.
Sa tanong naman kung paano pag naglabas ng panibagong TRO ang Korte Suprema, ay sinabi ni Comelec Chairman George Garcia, na sumunod ang Comelec sa Supreme Court bilang pagpapakita ng paggalang sa kataas-taasang hukuman, at hangga’t magagawang sumunod ay susunod, maunawaan lang sana ng lahat na kapos na ang poll body sa panahon, at mahirap na basta irecover ito.
Higit aniya sa 70 milyong balota ang kailangang maiprenta hanggang sa Abril 14, kaya ang atrget na maimprenta ng NPO kada araw ay 1.5 milyong balota.
Anim na machines na ang gagamitin sa printing, ang 2 ay galing sa MIRU, 4 naman ay makina ng NPO.
Ayon kay Garcia, “Wala na tayong panahon, sabi ko nga, we will have to print the ballots at all cost today. Pinakamabigat talaga susunod na stage deployment ng election paraphernalia. Kailangang masiguro na ang pinakamaliit na gamit ay makararating sa pinakamalayong lugar sa bansa.”
Samantala, lumagsa sa isang Memorandum of Afreement (MOA) ang Comelec at NPO para sa muling pagpapatuloy ng printing ng mga balota.
Dahil naman nadeputize na ng Comelec kaya tiniyak ng NPO ang commitment na siguruhing gagawin nila ang lahat para makasunod sa deadline.
Ayon kay Garcia, uunahin muna nila ang pag-imprenta ng mga balota para sa National at Local elections, at ihuhuli na ang para sa Parliamentary elections kasunod ng mga panukala para sa pagpapaliban nito sa Agosto.
Dalawa punto tatlong milyong balota lang naman aniya ang kailangan para rito at kaya nila itong maihabol agad.
Madelyn Villar-Moratillo