Pangulong Duterte handa pa ring mauna sa anti COVID-19 vaccine – Malakanyang

Maaari paring mauna na magpabakuna si Pangulong Rodrigo Duterte laban sa COVID 19.

Ito ang sinabi ni Presidential Spokesman Secretary Harry Roque sa kabila ng bagong pahayag ni Pangulong Duterte na uunahin muna ang mga mahihirap na mamamayan at huli na ang mga cabinet members kasama ang Chief Executive na babakunahan.

Ayon kay Roque kung kinakailangan na mauna ang Pangulo sa anti COVID 19 vaccine para makumbinse ang publiko na magtiwala sa bakuna ay gagawin ito ng Presidente.

Inihayag ni Roque na ibig lamang ipabatid ng Pangulo sa pagsasabing unahin muna ang mga mahihirap na bakunahan ay para ipaalam sa publiko na ipinagpapauna ng gobyerno ang kaligtasan ng kalusugan ng taongbayan.

Niliwanag ni Roque na anumang brand ng bakuna na darating sa bansa ay dapat na pagtiwalaan ang bisa nito dahil lahat ng anti COVID 19 vaccine na ginawa ng mga pharmaceutical companies ay dumaan sa masusing pagsusuri at sumailalim sa mahigpit na clinical trial.

Vic Somintac

Please follow and like us: