Peter Go Lim walang recent departure record sa BI

Walang record ang Bureau of Immigration na umalis kamakailan ang itinuturong big-time illegal drug trader na si Peter Go Lim.

Si Lim ay may warrant of arrest na inisyu ng Makati City Regional Trial Court noong 2018 dahil sa kasong conspiracy to commit illegal drug trading na inihain ng DOJ.

Kapwa akusado si Lim at si Kerwin Espinosa sa kaso.

Ang kaso ay nag-ugat sa distribusyon ng iligal na droga sa Visayas.

Ayon kay Justice Sec. Menardo Guevarra, ang pinakahuling rekord ng biyahe abroad ni Lim ay noon pang 2017.

Una rito ay inihayag ni Interior Sec. Eduardo Año na maaring nakaalis na sa bansa si Lim.

Aminado si Guevarra na hindi nila matitiyak kung nasa Pilipinas pa si Lim dahil sa maraming baybaying-dagat sa bansa at may mga kilalang backdoors sa timog na bahagi ng Pilipinas.

Noong 2019 pa nag-expired ang pasaporte ng Cebu-based na negosyante.

Sinabi pa ni BI spokesperson Dana Sandoval na maraming kaparehong pangalan si Lim sa immigration database.

Pero, nakumpirma nilang walang recent departure ang Peter Go Lim na laman ng mga balita.

Moira Encina

Please follow and like us: