Tatlong malalaking supermarket chains, pumayag sa hiling ng Palasyo na ibenta ng P70/kilo ang refined sugar

(File photo) Shoppers stand apart as social distancing measures, amid concerns of the COVID-19 coronavirus, while queueing outside a supermarket in Manila on March 17, 2020.  (Photo by Maria TAN / AFP)

Inihayag ng Malacañang na nangako na ang tatlong malalaking supermarket chains na ibenta ang kanilang refined sugar supplies sa halagang P70 bawat kilo.

Ang SM, Robinson’s at Puregold Supermarkets ay sumang-ayon sa kahilingan ni Pangulong Bongbong Marcos, na ibenta ang kahit isang milyong kilo ng kanilang sugar supplies ng P70 kada kilo mula sa umiiral ngayong presyo na P90-P110 bawat kilo.

Sinabi ni Press Secretary Trixie Cruz Angeles, na ang kahilingan ni Pangulong Marcos Jr., ay ipinarating sa supermarket owners ni Executive Secretary Victor Rodriguez.

Ayon kay Angeles, “Tungkol sa pakikipag-usap ni Executive Secretary Vic Rodriguez at alisunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr., binabaan ng ilang retailers ang supermarket prices ng asukal.”

Aniya, nangako kapwa ang Robinson’s Supermarket at Puregold na ipagbili ang isang milyong kilo ng refined sugar mula sa kanilang inventory sa halagang P70 per kilo.

Hindi naman nagbigay ang SM Supermarket kung gaano karami ang kanilang ibebenta, ngunit sinabing lahat ng kanilang inventory ng refined sugar ay ipagbibili sa halagang P70 per kilo.

Sinabi ng Palasyo, na nagpataw ang supermarkets ng limit na isang kilo kada mamimili upang mas maraming tao ang maka-avail ng mababang halaga ng asukal.

Ayon kay Angeles, nagpasalamat ang pangulo sa supermarket chains na pinagbigyan ang kaniyang kahilingan na magsakripisyo sa panahong ito para sa mga consumer.

Aniya, “Actually napakiusapan lang po sila ni Executive Secretary Vic Rodriguez bilang tulong na lang sa ordinaryong consumers na pababaan kahit pansamantala ang kanilang mga presyo hanggang maresolba o maitawid natin itong Setyembre o hanggang sa harvest season.”

Sinabi pa ni Angeles, na ang importasyon ng 150,000 metriko tonelada ng asukal ay matutuloy pero wala pang schedule.

Sinabi ng opisyal, “The proposal for half of this volume to be imported directly by food manufacturers or industrial users is seriously being considered and some details are still being worked out. It is proposed and it is seriously being considered.”

Ipagpapatuloy din aniya ng gobyerno ang sorpresang inspeksiyon sa mga bodega, habang ini-imbestigahan ang umano’y hoarding ng suplay ng asukal para makalikha ng isang “artificial shortage.”

Please follow and like us: