UPDATE: 2 sa 3 PDLs na nakatakas sa Bilibid, napatay

Napatay ang dalawa sa tatlong inmates na nakatakas mula sa New Bilibid Prison.

Ito ay batay sa pinakahuling impormasyon mula sa Bureau of Corrections.

Kinilala ang mga napatay na persons deprived of liberty (PDLs) na sina Pacifico V. Adlawan at Arwin V. Bio.

Ang dalawa ay napatay matapos ang engkuwentro sa mga tauhan ng BuCor at pulisya.

Ayon kay BuCor Spokesperson Gabriel Chaclag, pinaputukan ng dalawa sa magkahiwalay na insidente ang mga tauhan ng BuCor at pulisya kaya napilitan ang mga otoridad na barilin din ang mga ito.

Patuloy naman na pinaghahanap ang ikatlong tumakas sa Bilibid na si Drakilou Y. Falcon.

Inanunsiyo ni Chaclag na magbibigay ang BuCor ng P100,000 pabuya sa sinumang makapagbibigay ng impormasyon sa lokasyon ni Falcon na itinuturing na armed and dangerous.

Aniya nanggaling ang reward money sa pinagsama-samang kontribusyon ng BuCor personnel.

Alinmang impormasyon ay maaaring itawag ng publiko sa hotline ng BuCor na 09186001081 o 09178046392.

Si Adlawan ay convicted sa kasong frustrated homicide at paggamit ng iligal na droga at may pending na homicide case sa Bacoor RTC.

Hinatulang guilty naman sa kasong robbery with homicide at may pending na double murder case laban kay Bio sa Camiling, Tarlac.

Moira Encina

Please follow and like us: