16 patay, daan-daan nasaktan sa mga protesta sa Kenya

0

Security officers gather near a razor wire fence erected to block access to the Parliament buildings. Thomas Mukoya/Reuters

Labing-anim katao ang namatay at halos 400 ang nasaktan, makaraang magsagawa ng protesta sa mga lansangan ng Kenya ang libu-libong katao laban sa gobyerno.

Ang bilang ng namatay ay kinumpirma ni Irungu Houghton, pinuno ng human rights organization na Amnesty International Kenya.

Nagprotesta sa mga lansangan ang mga tao bilang paggunita sa anti-tax demonstrations noong June ng nakalipas na taon, na ikinamatay din ng dose-dosenang katao at nagresulta sa nationwide outrage.

Ang mga demonstrasyon noong 2024 ang pumuwersa sa withdrawal ng kontrobersiyal na finance bill na nagpapataas sa mga buwis. Gayunman, maraming kabataang Kenyans ang galit pa rin sa ilang kaso ng umano’y police brutality, kabilang ang pagkamatay ng isang guro na nasa kustodiya ng pulisya at ang pamamaril sa isang hindi pinangalanang street vendor.

Libu-libong katao ang nagprotesta sa Nairobi, kabisera ng Kenya, sa coastal city ng Mombasa at sa iba pang mga bayan, bilang paggunita sa protest anniversary.

Sa Nairobi, ang mga lansangang patungo sa Kenyan Parliament building at sa tanggapan ng pangulo ay binarikadahan bago ang umpisa ng demonstrasyon.

 Bukod sa pinagbabaril, ang mga demonstrador ay ginamitan din ng tear gas at water cannon trucks upang buwagin ang kanilang hanay, gaya nang nangyari noong isang taon.

Police officers are seen during demonstrations in Kenya’s capital on June 25. Thomas Mukoya/Reuters

Inatasan naman ng government regulator, ang Communications Authority of Kenya sa lahat ng television at radio stations sa bansa, na itigil ang live coverage ng mga protesta na pinangunahan ng mga kabataan.

May ilang Kenyan broadcast channels ang binawalang makapagsahimpapawid dahil sa pagtanggi sa direktiba, ngunit kalaunan ay nakapagpatuloy din ng kanilang coverage, makaraang suspendihin ng isang korte sa Nairobi ang ban.

Binatikos naman ng Kenyan civil society groups ang ban na tinawag nilang labag sa batas, kung saan sinabi nila sa isang joint statement kasama ng Amnesty Kenya, na ang  live coverage ng mga protesta ay mahalaga upang tutulan ang labis na pagpapakita ng lakas at paglabag sa mga karapatang pantao, sa pamamagitan ng pagtiyak na ang mga pangyayari ay nasasaksihan at naire-record upang magkaroon ng mananagot.

Tinawag namang “draconian” ng Kenya Editors’ Guild ang ban at pagyurak sa demokrasya.

Ayon naman sa isa pang joint statement na nilagdaan ng Amnesty Kenya at mga grupong gaya ng Law Society of Kenya, Police Reforms Working Group at Kenya Medical Associaiton, na nasa 400 katao ang nasaktan sa mga demonstrasyon, kung saan 83 dito ay nagtamo ng serious injuries at hindi bababa sa walong protesters ang ginagamot dahil sa gunshot wounds.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *