3 child warrior ng Dawlah Islamiyah-Maute group Arestado habang 3 pa ang napatay sa engkwento sa Lanao, Del sur

0

Photo: PNP-CIDG

Patay ang tatlong myembro ng Dawlah Islamiyah-Maute group matapos na makipag-engkwentro sa mga awtoridad sa ikinasang operasyon sa Brgy. Lamin, Lumbayanague, Lanao del Sur noong Sabado ng umaga.

Ayon kay PNP Chief Gen. Nicolas Torre III, magsisilbi lang sana ng warrant of arrest ang mga tauhan ng CIDG katuwang ang Inteligence Group, National Intelligence Coordinating Agency (NICA) at 5th Infantry Division ng Philippine Army laban sa mga puganteng terorista nang makipagbarilam ang mga ito.

Tumagal ng 6 na oras ang bakbakan mula ala-una ng madaling araw hangang alas-7 ng umaga, na nagresulta sa pagkamatay ng 3 target na sina Anwar Rahman, Abdullah, at babaeng si Nahara. 

Arestado naman ang tatlong menor de edad na pinaniniwalaang mga child warrior na sina Abu Zacaria, Al Wala, at Asnawi.

Nasa kustodiya na sila ng 103rd Batallion, 5th Infantry Division sa Marawi City.

Photo: PNP-CIDG

Sa gitna ng bakbakan nakatakas naman ang leader at itinuturing na Amir ng DI Maute group na si Amerol Usman, kasama ang iba pa na target ng warrant of arrest.

Sugatan naman ang isang sundalo matapos tamaan sa kaliwang tuhod na kasalukuyan nang nagpapagaling sa ospital.

Nakumpiska ng mga awtoridad ang iba’t ibang mataas na kalibre ng baril kabilang ang M4A1 Colt caliber 5.56mm rifle, isang caliber .45 pistol, hand grenade, isang rocket propelled grenade, isang homemade M79 grenade launcher, 13 piraso ng IED blasting caps,  2 black  ISIS flags, assorted magazines at mga bala.

Tiniyak naman ng PNP na walang dapat na ikabahala ang publiko sa mga natitirang myembro ng Maute group.

Kontrolado na ang mga ito ng mga awtoridad at wala nang kapasidad na maghasik ng malaking pag-atake gaya ng Marawi siege noong 2017.

Mar Gabriel

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *