Karagdagang 1.5 milyong doses ng Sinovac vaccine na binili ng gobyerno, dumating sa bansa ngayong umaga
Dumating na sa Pilipinas ang karagdagang 1.5 milyong doses ng Sinovac vaccines ngayong als-7:30 ng umaga, Hulyo 29.
Ang mga bakuna na binili ng pamahalaan ay lumapag sa Ninoy Aquino International Airport – Terminal 3 lulan ng Cebu Pacific Flight 5J 671.
Sinalubong ang mga bakuna ng mga tauhan ng National Task Force Against COVID-19 .
Inaasahang sa darating na Biyernes ay darating sa bansa ang karagdagan pang isang milyong bakuna ng Sinovac mula China.
Sa kabuuan, nasa 32,860,700 na ang mga bakunang dumating sa bansa mula sa mga manufacturers ng Astrazeneca, Pfizer, Sinovac, Gamaleya, Moderna, at Johnson and Johnson.
Nauna nang ipinahayag ni Vaccine czar Carlito Galvez Jr. na nasa higit 18 milyong bakuna na ang naipamahagi sa mga lokal na pamahalaan kung saan 11.3 million rito ang naturukan na ng first dose habang nasa 6.8 million naman ang nakakumpleto na ng bakuna.