BSP at payment systems firms, magsusulong ng digitalization initiatives
Nakatakdang ilunsad ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) at payment systems firms ang ilang inisyatiba para sa payments digitalization at financial inclusion sa bansa.
Sinabi ni BSP Governor Benjamin Diokno na patuloy na makikipagtulungan ang central bank sa Philippine Payments Management, Inc. (PPMI) para sa pagsusulong ng digital payments.
Isa sa pangunahing ilulunsad ng BSP at PPMI sa mga susunod na araw ay ang QR Ph para sa person-to-merchant (P2M) payments.
Tiwala ang BSP na ang Quick Response or QR technology ay makatutulong para sa efficient digital payments sa mga unbanked micro-entrepreneurs gaya ng sari-sari store owners at tricycle drivers,
Magkakaroon din ng kolaborasyon ang BSP at PPMI sa pagpapatupad ng PESONet Multiple Batch Settlement (MBS) sa katapusan ng taon.
Ilan pa sa mga inisyatiba para sa payments digitalization ay ang pagtatag ng interoperable bills payment facility sa unang bahagi ng 2022 at rollout ng request-to-pay facility sa ikalawang quarter ng 2022.
Balak din ng BSP at payments industry ang pagkakaroon ng direct debit service na ideal para sa recurring payments tulad ng buwanang renta, periodic loan amortizations, at quarterly insurance premiums.
Moira Encina