Partisipasyon sa ISS, nais palawigin ng Russian space agency ng lampas sa 2024
Tinatalakay na ng space agency ng Russia at ng Moscow, na ipagpatuloy ang partisipasyon nito sa International Space Station ng lampas sa 2024.
Sinabi ni Sergei Krikalev, pinuno ng Russian human space flight programs, na sinimulan nang talakayin ng Roscosmos sa gobyerno ng Russia, ang ekstensiyon ng kanilang partisipasyon sa ISS program at umaasang bibigyan pa sila ng permisong magpatuloy sa susunod na taon.
Makaraang maapektuhan ang “ties” sa pagitan ng Russia at ng West dahil sa giyera sa Ukraine, inanunsiyo ni Roscosmos chief Yuri Borissov na lilisanin na ng Russia ang ISS pagkatapos ng 2024, at bubuo ng sarili nitong space station. Hindi naman niya binanggit ang petsa para sa nasabing plano.
Aminado si Krikalev na ang pagbuo ng isang bagong station ay hindi mangyayari agad at sinabing, “probably we will keep flying until we will have any new infrastructure.”
Ang pahayag ay ginawa nito sa isang NASA press conference bago ang paglulunsad sa isang SpaceX rocket sa Miyerkoles, na magdadala sa isang Russian cosmonaut, dalawang American astronauts at isang Japanese astronaut sa ISS.
Sa ngayon, ang ISS partner countries na binubuo ng United States, Russia, Europe, Canada at Japan ay committed lamang na i-operate ang orbiting laboratory hanggang 2024, bagama’t nagpahayag na ang mga opisyal ng US na nais nilang magpatuloy hanggang 2030.
Ang space sector ay isa lamang sa kakaunting “areas of cooperation” na naka-survive sa “extreme tensions” sa pagitan ng Estados Unidos at Russia mula nang salakayin ng Moscow ang Ukraine noong Pebrero.
© Agence France-Presse