DFA magdaragdag ng 300,000 passport appointment slots bago matapos ang taon
Plano ng Department of Foreign Affairs (DFA) na magdagdag ng 300,000 passport appointment slots hanggang Disyembre ngayong taon.
Ito ang inanunsiyo ni DFA Office of Consular Affairs Assistant Secretary Henry Bensurto Jr. kasunod ng pagpapasinaya sa mga refurbished facilities gaya ng elevator at escalator sa DFA Aseana.
Sinabi ni Bensurto na nasa proseso na ang DFA- OCA ng pagsasaayos sa sistema sa computer program upang madagdagan ang appointment slots.
Bahagi ito ng mga pagbabago na kanilang ipinapatupad para mapagbuti ang serbisyo sa mga passport applicant.
Ayon kay Bensurto, sa pamamagitan ng pag-increase ng slots ay maiiwasan ang problema sa mga fixer o fixing sa pagkuha ng appointment slots.
Noong Setyembre aniya ay nakapagdagdag ang DFA-OCA ng 800,000 slots.
Pinangunahan nina Bensurto at Foreign Affairs Secretary Enrique Manalo ang ribbon cutting ceremony para sa renovated facilities sa DFA Aseana.
Naantala ang pagsasaayos ng mga elevator at escalator dahil sa pandemya.
Ilan pa sa mga physical improvement sa tanggapan ay ang pagdaragdag sa electric capacity ng gusali, pagsasaayos ng centralized air conditioning, at waterproofing at roofdeck maintenance.
Moira Encina