SC inilabas na ang pangalan ng mga unibersidad na magsisilbing local testing centers sa 2022 Bar Exams
Ilang linggo bago ang bar examinations sa Nobyembre ay inilabas na ng Korte Suprema ang listahan ng mga unibersidad at kolehiyo na magsisilbing local testing centers.
Sa bar bulletin na inisyu ni 2022 Bar Chair at Supreme Court Associate Justice Alfredo Benjamin Caguioa, aabot sa 14 na learning institutions ang magiging local testing areas para sa bar exams.
Lima sa mga ito ay sa Metro Manila at tig- tatlo sa Luzon, Visayas, at Mindanao.
Kasama sa pagdarausan ng pagsusulit sa NCR ang San Beda University, De La Salle University at UP sa Bonifacio Global City.
Pinaalala ng Supreme Court sa examinees na tingnan sa dashboard ng kanilang Bar Personal Login Unified System (Bar PLUS) ang kanilang local testing centers.
Pinal na ang local testing sites na na-assign sa examinees at hindi na maaaring hilingin na baguhin.
Isasagawa ang computerized bar exams sa darating na November 9,13,16, at 20.
Moira Encina