COA ruling na nagpapasauli sa P83-M allowances na ibinigay ng PhilHealth sa mga opisyal at kawani nito, pinagtibay ng SC
Pinaboran ng Korte Suprema ang desisyon ng Commission on Audit (COA) na kumukuwestiyon at nagpapasauli sa mga benepisyo at allowances ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) sa mga opisyal nito noong 2014 na nagkakahalaga ng mahigit P83.06 million.
Sa 21- pahinang ruling ng Supreme Court En Banc, ibinasura nito ang petisyon ng PhilHealth laban sa notices of disallowance ng COA noong 2018 at 2019 dahil sa kawalan ng merito.
Ang kaso ay nag-ugat sa ibinigay na educational assistance allowance at birthday gift ng PhilHealth sa mga opisyal at kawani nito noong 2014.
Nag-isyu ang COA ng notices of disallowance laban sa mga nasabing benepisyo matapos mabatid na wala itong pag-apruba ng Pangulo ng bansa na taliwas sa mga isinasaad sa batas.
Ipinunto ng COA na walang fiscal autonomy ang PhilHealth at obligado ito na iulat sa ehekutibo ang compensation plans nito.
Kinatigan naman ng SC ang argumento ng COA na limitado o walang absolute discretion ang PhilHealth sa pagdetermina ng kompensasyon ng mga opisyal nito alinsunod sa mga naunang rulings nito.
Ayon sa Korte Suprema, iligal at iregular ang disbursement ng mga nasabing benepisyo dahil sa kawalan ng approval ng DBM.
Dahil dito, iginiit ng SC na walang legal na batayan ang mga nasabing allowance at benepisyo kaya dapat ito na isauli ng payees.
Moira Encina