Single Ticketing System, target na simulan sa May 2 sa 7 Metro cities-MMDA
Hindi na mapipigilan ang implementasyon ng Single Ticketing System (STS) sa buong Metro Manila.
Kasunod ito ng paglagda sa Memorandum of Agreement (MOA) sa pagitan ng Metro Manila Development Authority (MMDA), Metro Manila Mayors at Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) para sa implementasyon ng programa.
Sa ilalim ng single ticketing system, magiging unipormado na ang penalties sa 20 common traffic violation kabilang na ang disregarding traffic signs, illegal parking at number coding.
Hindi na rin kukumpiskahin ang lisensya ng mga violator at maaari nang bayaran ang multa sa pamamagitan ng online payment.
Sinabi ni MMDA Chairman Atty. Romando Artes na bukod sa handheld device, susuotan din ng body camera ang mga enforcer na konektado sa command center para maiwasan ang korapsyon.
Sa May 2 target ng Metro Manila Development Authority (MMDA) at Metro Manila Council (MMC) na pasimulan ang pilot implementation ng programa sa pitong lungsod.
Kabilang dito ang mga lungsod ng Maynila, Paranaque, Muntinlupa, Caloocan, Valenzuela, San Juan at Quezon City.
Sinabi ni Artes na ang MMDA ang gagastos para sa mga Information and Communications Technology (ICT) equipment kakailanganin sa integration at inter-connectivity system.
MMDA din ang magkakaloob ng handheld equipment para sa mga enforcer sa panghuhuli sa mga motorista.
Mar Gabriel