Paggamit ng Pilipinas sa nuclear energy, hindi dapat pangambahan– DOST-PNRI
Mahigit 90 porsyento sa mga nakibahagi sa isinagawang survey ng NET 25 TV/Radyo Program na Sa Ganang Mamamayan (SGM) ang pumapabor sa pagpapatayo ng nuclear power plant sa bansa.
Sa survey na isinagawa ng programa, tinanong ang mga tv, radio at online viewers kung “nangangamba sila sa pagpapatayo ng nuclear power plant sa bansa.
92.3% ng respondents ang nagsabi ng hindi, samantalang 7.7% ang nagsabing nangangamba.
Ang resulta ng survey, hindi nalalayo sa katulad na survey ng Department of Energy (DOE) na nagsabing siyam sa sampung Pilipino ang pabor sa paggamit ng nuclear energy.
Sa panayam ng SGM, sinabi ni Director Carlos Arcilla ng Department of Science and Technology – Philippine Nuclear Research Institute (DOST-PNRI) na walang dapat ipangamba ang publiko kung gagamit ang bansa ng nuclear energy.
Sinabi ni Arcilla na sa buong mundo, may 450 nuclear plants ang umaandar at ang mga ito ay nag-ooperate sa nakalipas na 50 hanggang 60 taon.
At sa 450 nuclear plant sa buong mundo, tatlo lamang ang naitalang aksidente.
“Sa US yung 100 plants nila tumatakbo na for 60 years, kasing tanda ko na at binigyan pa nila ng lisensya for another 20 years,” paliwanag ni Director Arcilla.
Lingid aniya sa kaalaman ng marami, matagal nang ginagamit ang nuclear technology bago pa man ito inilipat sa lupa.
Partikular aniya itong ginagamit sa mga submarine na matagal na panahong nananatili sa ilalim ng dagat.
“Isipin mo ha, ilang taon na yan na nasa ilalim, isipin mo nasa ilalim ka ng dagat katabi mong natutulog yung nuclear plant. Yung teknolohiya na yan nilipat lang sa lupa. So, matagal na ang basehan it’s a very mature technology, kung i-total ang operating hours, yan ang pinaka safest,” pahayag pa ng opisyal.
Sinabi ni Arcilla na akma ang Pilipinas para sa pagtatayo ng small modular reactor (SMR) gaya ng iniaalok ng isang American company sa natapos na official visit ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., sa Estados Unidos.
Wala raw itong pagkakaiba sa malalaking reactor ngunit mas malaking tipid dahil may sukat lamang ito tulad ng isang 20 o 40-footer van.
Gayunman, kailangang aniyang nasubukan na o sumailalim na sa masusing pagsubok ang mga reactor na bibilhin para ilagay sa mga isla.
“Hindi tayo puwedeng gumawa ng first of its kind, ayaw mong bilhin yung prototype, bilhin yung natesting na, dapat ang bibilhin ay yung na-testing na, nasa batas na isinusulong yan sa Kongreso na hindi puwedeng bumili ng nuclear ang bansa kung hindi natesting ng ilang libong oras sa pinanggalingang bansa, hindi pwedeng mag-import ng hindi na-test, baka magkaroon ng accident,“ dagdag na pahayag pa ni Arcilla.
Ukol naman sa nuclear waste, sinabi ng PNRI chief na may kakayahan ang bansa para sa management nito dahil may matagal nang karanasan ang Pilipinas sa pagpapatakbo ng geothermal plants.
Ganitong teknolohiya rin umano ang ginagamit para sa disposal ng nuclear waste.
Weng dela Fuente