Australia magkakaloob ng drone equipment sa Philippine Coast Guard
Paiigtingin pa ng Pilipinas at Australia ang maritime cooperation nito.
Sa kaniyang official visit sa Pilipinas, inanunsiyo ni Australian Foreign Minister Penny Wong na pagkakalooban ng Australia ang Philippine Coast Guard (PCG) ng drone equipment, training, at teknolohiya para mas mapalakas ang maritime domain, awareness at protection capabilities ng ahensya.
Isa ang headquarters ng PCG at ang mga opisyal nito sa binisita ni Wong.
Sinabi ni Wong na magbabahagi rin ang Australia ng impormasyon at magbibigay ng technical assistance para sa mga opisyal ng pamahalaan upang madagdagan ang kapasidad sa pagtugon sa illegal fishing.
Sa joint statement naman ng Pilipinas at Australia, magkakaloob din ng tulong ang Australia para maibsan ang epekto sa kapaligiran ng oil spill sa Mindoro.
Isa ang isyu sa South China Sea sa natalakay sa bilateral meeting nina Wong at Foreign Affairs Secretary Manalo.
Nagkasundo ang Pilipinas at Australia sa kahalagahan ng pagsunod ng mga estado sa international law gaya ng United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS) at ang importansya na mapanatili ang kapayapaan at katatagan sa rehiyon.
Moira Encina