Amyenda sa EPIRA law itinutulak sa Senado
Napapanahon na raw na repasuhin at amyendahan ang umiiral na Electric Power Industry Reform Act o EPIRA law.
Sa pagdinig ng Senate Committee on Energy, kapwa sinabi nina Senador Raffy Tulfo at JV Ejercito na may ilang probisyon ng batas ang hindi na pumapabor para sa kapakanan ng mga Pilipino.
Isa na rito ang isyu bakit aabot lang sa 3% ang buwis na ibinabayad ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP), samantalang bilyong piso ang kinikita nito sa kanilang operasyon.
Taliwas daw ito sa 30% na buwis na kinokolekta naman sa mga pribadong kumpanya.
Hinala ni Tulfo, baka nabigyan ng special treatment ang NGCP kaya napakaliit ng kinokolektang buwis.
Tanong ng mambabatas kung magkano raw ang kapalit ng special treatment na ito na ibinigay sa kumpanya.
Ang NGCP ay ini-imbestigahan ng Senado dahil sa nangyaring malawakang brownout sa Western Visayas.
Meanne Corvera