Criminal charges isinampa laban kay Dera, 6 na NBI security escorts
Sinampahan ng National Bureau of Investigation (NBI) ng criminal charges sa Department of Justice (DOJ) ang high-profile detainee na si Jad Dera at anim na security personnel ng NBI.
Naaresto noong Miyerkules ng hatinggabi si Dera at mga NBI escorts nito matapos makalabas ng piitan kahit walang court order.
Isinailalim si Dera at ang anim na security officers sa inquest proceedings sa DOJ kung saan ipinagharap ang mga ito ng mga reklamo.
Nahaharap si Dera sa reklamong corruption of public officials habang anim na jail guards ay inireklamo ng katiwalian.
Sinabi naman ng abogado ni Dera na si Atty. Mark Anthony Te na maghahain sila ng kontra-salaysay at hiniling nila na maisailalim sa preliminary investigation ang reklamo.
“Sasagutin po namin ung mga charges against them,” pahayag ni Atty. Te
Maging ang kampo ng jail guards aniya ay kukuha ng pribadong abogado at magsusumite ng counter-affidavit.
Iginiit ni Te na nagpaalam si Dera sa NBI para makalabas dahil masama ang pakiramdam nito at kailangang dalhin sa pagamutan.
“Jad dera is experiencing gastritis kasi or acid reflux, may mga instances na sobrang taas ng pain scale di sya makukuha sa usual antacids,” paliwanag pa ng abugado.
Wala pa namang impormasyon ang abogado kung saang ospital dinala ang kaniyang kliyente.
Inamin naman ni Te na may nakuhang P100,000 salapi mula kay Dera pero ito umano ay ambagan ng detainees para sa pagkain nila sa loob.
Si Dera ay akusado sa mga kaso ng iligal na droga at sinasabing mayores sa NBI detention.
Inihayag ni DOJ Spokesperson Mico Clavano na magpapatupad ng balasahan ng mga opisyal at tauhan sa NBI- NCR kung nasaan ang NBI detention matapos ang insidente.
“We have to reshuffle ung staff sa NBI, especially here sa NCR. As you know already, yung chief ng NBI detention ay sinibak na. We have to take him out because he has command responsibility in this case,” paliwanag ni Clavano.
Moira Encina