Namatay sa lindol sa Syria at Turkey noong 2023 halos 60,000 na
Sinabi ng interior minister ng Turkey, na 53,537 na ang namatay sa nangyaring malakas na lindol noong isang taon.
Ayon naman sa gobyerno ng katabi nitong Syria, 1,414 katao ang namatay sa mga lugar na nasa ilalim ng kontrol nito sa nangyaring lindol noong February 6, 2023.
Sinabi naman ng Turkish-backed officials sa northern Syria na ang mga namatay sa mga rehiyong kontrolado ng mga rebelde ay 4,537.
Dahil sa ang pinagsamang bilang ng mga namatay ay aabot na sa 59,488 kaya ang lindol noong isang taon ang naging “pinakamapaminsala,” mula nang mangyari ang lindol sa Peru noong 1970 na ikinamatay naman ng 67,000 katao.
Ang naunang opisyal na bilang na inilabas ng Turkey sa mga unang linggo pagkatapos ng lindol, ay 50,783.
Ipinalabas ni Turkish Interior Minister Ali Yerlikaya ang updated figures sa bisperas ng anibersaryo ng nangyaring sakuna, na nakaapekto sa 11 mga lalawigan sa buong timog-silangang Turkey.
Ayon kay Yerlikaya, naapektuhan ng lindol ang 14 na milyong katao sa Turkey.
Humigit-kumulang din sa 38,901 mga gusali ang nawasak sa unang 7.8-magnitude na lindol at mga paunang sumunod na aftershocks, na kinabibilangan ng isang 7.5-magnitude.
Sinabi pa ni Yerlikaya, na ang Turkey ay nagtayo ng hanggang 215,224 metal containers upang maging tuluyan ng 691,000 survivors na nawalan ng tahanan at hindi na nagawang makakita ng bagong matitirhan.