Pagkakaroon ng direct flight sa India masayang ibinalita ni PBBM  sa mga Pilipino sa New Delhi

0

Masayang ibinalita ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr., sa mga Pilipino na mas magiging mabilis na ang byahe mula India pabalik ng Pilipinas.

Ang balita ay sinabi ng pangulo sa meet and greet sa Filipino community sa Taj Mhal Hotel sa New Delhi, na bahagi ng limang araw niyang state visit sa India.

Sinabi ng pangulo na tinutulay at pinadadali ng gobyerno ang paglalakbay at mga ugnayan ng mga mamamayan sa pagitan ng Pilipinas at India.  

Magugunita na noong nakaraang taon ay inilunsad ng Philippine Embassy e-Visa, na lubos na nagpadali sa proseso ng visa, na sinundan pa ng visa-free entry scheme para sa mga turistang Indian noong Hunyo.

Sinabi ng pangulo, “These will be complemented soon by the recovery of direct flights, led by Air India. We are determined to expand this to other carriers and to link other cities between the Philippines and India.”

Naniniwala naman si Department of Tourism Secretary Christina Frasco, na makatutulong ng malaki sa turismo ng bansa ang libreng visa para sa mga bibisitang Indian nationals, at maging ang pagkakaroon ng direct flight sa pagitan ng dalawang bansa sa darating na Oktubre.

Ayon kay DOT Secretary Frasco, “By the directive of our President Ferdinand Marcos, Jr., yung mga Indian national ay makapupunta na sa Pilipinas visa-free, and in aafew short one in October, we can now fly directly from Delhi to Manila. These are the measures that the Marcos administration expanding tourism and people to people ties.”

Hiniling naman kay pangulong Marcos ng mga pinay na nakapag-asawa ng Indiano, na palawigin ang bisa ng visa ng kanilang asawa at mga anak.

Nais nila na mas makapanatili ang mga ito sa Pilipinas ng matagal upang mas makilala ang kultura at tradisyon ng mga Pilipino.

Bukod naman sa pagkakaroon ng libreng visa at direktang flight sa India, ibinalita ng pangulo sa mga Pilipino ang napipintong paglagda sa Social Security Agreement sa pagitan ng  Pilipinas at India.

Aniya, ang administrasyon ay nakatuon sa pangangalaga sa mas malawak na kapakanan at mga karapatan ng mga Pilipino Kahit na walang Migrant Workers Office o MWO sa India.

Ayon sa pangulo, “You will be pleased to know that, as part of this visit, we will also sign the Social Security Agreement between Philippines and India.”

Itinuturing naman na pinakamasaya sa lahat ng meet and greet ng pangulo, ang pakikipagkumustahan sa Pilipino community sa India, kung saan napuno ng kantahan at sayawan ang okasyon.

Nagpakita rin ng kaniyang talento sa pagkanta ang Ambassador to the Republic of India, na si Josel Ignacio.

Hindi naman nagpatalo sa kantahan si Presidential Communications Undersecretary Claire Castro, na kasama sa delegasyon ng pangulo.

Eden Santos

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *