Celebrity endorsers ng online gambling sinita ng Kamara

Nagpahayag ng pagkabahala si Cagayan de Oro Representative Rufus Rodriguez, sa napakadaling access sa online gambling gamit ang smartphones at iba pang electronic gadget, pati na ang naglipanang celebrity endorsers.
Sa kaniyang privilege speech sa plenaryo ng Kamara, sinabi nito na masyado ng talamak ang online gambling sa bansa dahil bigo ang mga batas at digital systems monitoring ng gobyerno para protektahan ang mga kabataan, at nakaaalarma na mga celebrity pa ang walang pakundangan na nagpopromote ng sugal.

Partikular na sinita ni Rodriguez ang mga sikat na artista na endorser ng online gambling, na sina Ivana Alawi, Alden Richards at Vice Gnada, kung saan ang kanilang endorsement ay itinuturing na lifestyle content.
Inihayag ng mambabatas na batay sa 2025 study ng Digital Risk Observatory, tinatayang 34 na milyong mga Pilipino ang nagsusugal online, kung saan 64% sa mga ito ay lulong na sa pagsusugal, 30% naman ng online gamblers ay mga menor-de-edad.

Nanawagan din si Rodriguez sa mga nasa likod ng online gambling na kumikita ng bilyun-bilyong piso, na makonsensiya dahil ang resulta na dulot ng pagkalulong s aonline gambling ay pagkawasak ng maraming pamilya at kinabukasan ng kabataan.
Vic Somintac