Mga kritikal na dokumento sa io-audit na Bulacan flood control projects hawak na ng COA

Hawak na ng Fraud Audit Office (FAO) ng Commission on Audit (COA), ang unang batch ng mga importanteng dokumento kaugnay ng mga flood control project sa Bulacan.
Ang mga dokumento ay agad na inilipat sa COA Central Office para sa masusing imbestigasyon.
Una rito, ipinag utos ni COA Chairperson Gamaliel Cordoba ang fraud audit, matapos ipalutang ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr., ang mga seryosong isyu sa pagpapatupad ng mga nasabing proyekto, lalo na sa Bulacan.
Binigyang-diin ng Pangulo na sa kabila ng bilyun-bilyong pisong pondong inilaan, nananatili ang malawakang pagbaha sa iba’t ibang panig ng bansa.
Sa Bulacan pa lang, umabot sa P44 bilyon ang inilaan ng gobyerno, ang pinakamalaking tipak sa buong Region 3.
Layunin ng special audit na tukuyin at patunayan ang mga kaso ng fraud, waste, at mismanagement upang matiyak ang pananagutan kasabay ng pagtataguyod ng matitibay at maaasang imprastruktura para sa mga mamamayan.
Ang FAO ang siyang nakatalaga sa malalaking kaso ng pandaraya na may halagang P50 milyon pataas.
Para mapanatili ang integridad, hindi isasama sa audit team ang resident auditors ng DPWH.
Itinuturing na mahalagang hakbang ang pagkaka-recover ng mga naturang dokumento dahil ito ang magbubukas ng masusing pagsusuri sa aktuwal na pagkakagawa ng mga proyekto, kalidad, presyo, at sa naging proseso ng procurement sa Bulacan.
Madelyn Moratillo