Panawagan laban sa nakaambang dagdag singil sa NAIA sa Setyembre 14, pinaigting pa ng PUSO ng NAIA

Mas pinaigting ng koalisyon ng Pagkakaisa ng mga Users, Stakeholders at Obrero ng NAIA o PUSO ng NAIA, ang panawagan laban sa nakaambang pangkalahatang dagdag singil sa Ninoy Aquino International Airport sa Setyembre 14.
Pinasinungalingan rin ng grupong OFW Wellness, na kaalyado ng koalisyon, ang sinasabi ng pamahalaan na ligtas ang Overseas Filipino Workers sa pagtaas ng terminal fees.
Para sa international passengers, mula sa dating P550 ay magiging P950 na ito, habang sa domestic naman ay P390 mula sa dating P200.
Giit nila, hindi lang naman ito ang kanilang gastos.
Ang mga kamag-anak umano nilang maghahatid sa paliparan apektado rin sa mahal na parking.
Maging presyo umano ng ticket palabas ng bansa ay nagmahal mula pa noong Disyembre, matapos magpalit ng operator ang paliparan.
Madelyn Moratillo