Operasyon sa mga pantalan balik na sa normal

Balik na sa normal ang operasyon ng lahat ng pantalan sa ilalim ng pamamahala ng Philippine Ports Authority (PPA) matapos tuluyang makalabas ng Philippine Area of Responsibility (PAR) ang Bagyong Tino.

Matapos alisin ng Philippine Coast Guard (PCG) ang “no-sail policy,” na ipinatupad sa kasagsagan ng bagyo, balik na rin sa regular na biyahe ang mga barko sa iba’t ibang pantalan sa bansa.
Kaugnay nito, nagsagawa ang mga Port Management Office (PMO) ng kani-kanilang post-typhoon port inspection upang matiyak ang kaligtasan at maayos na kondisyon ng mga pasilidad, estruktura, at kagamitan sa mga pantalan.

Patuloy namang pinaaalalahanan ang mga pasahero na direktang makipag-ugnayan sa kani-kanilang shipping lines para sa iskedyul ng biyahe at iba pang mahahalagang abiso, lalo na kung may pagbabago sa lagay ng panahon.

Paalala na ang Philippine Ports Authority ay hindi nagkakansela ng biyahe o nagsasagawa ng anumang transaksyon sa labas ng pantalan. Patuloy na nakaantabay ang PPA upang matiyak ang kaligtasan, kahandaan, at tuloy-tuloy na serbisyo sa mga pantalan.
Madelyn Moratillo