Quezon City Police District at QC LGU nagsagawa ng walk through inspection sa EDSA People Power Monument

Dalawang araw bago ang nakatakdang kilos protesta ng iba’t ibang sektor sa Linggo, nagsagawa ng walk through inspection ang mga opisyal ng Quezon City Police District (QCPD) at local government unit ng Quezon City (QC LGU), sa EDSA People Power Monument.

Layon nitong makita ang akwal na puwesto ng stage at ng mga sasama sa protesta.
Ayon kay Ret. Gen. Elmo San Diego, chief ng Quezon City Department of Public Order and Safety, inaasahan nila na aabot sa 300 libo ang sasama sa kilos protesta.

Kasama rito ang religious sector, mga manggagawa, estudyante at mga retiradong opisyal ng PNP at AFP.
Ookupahan nila ang dalawang lanes ng White Plains Avenue na isasara sa trapiko sa araw ng Linggo simula alas otso ng umaga.
Ayon kay Mark Dilson, United People’s Initiative Secretary General, 3 araw ang hinihingi nilang permit para sa protesta mula Linggo hanggang Martes.
Pero sa ngayon tanging ang protesta sa linggo pa lang ang naaprubahan.
Nangako naman ang grupo na magiging maayos at payapa ang kanilang programa.
Kaugnay nito, magdedeploy ang QCPD ng 1,284 na mga pulis sa EDSA para matiyak ang kaayusan at seguridad ng mga dadalo sa protesta.

Umapela ang QCPD sa mga dadalo na sumunod sa mga panuntunan at iwasan ang kaguluhan.
Tiniyak naman ng mga awtoridad na mahigpit nilang ipatutupad ang maximum tolerance sa hanay ng mga magpoprotesta.
Wala rin silang namomonitor na anumang banta na may kaugnayan sa idaraos na kilos protesta.
Mar Gabriel