Mga Pilipino, nananatili pa ring kulang sa nutrisyon batay sa survey ng isang Global nutrition company
Lumabas sa ginawang survey ng isang kilalang global nutrition company na hanggang sa kasalukuyan kulang pa rin sa nutrisyon ang mga kinakain ng mga Pilipino.
Sa edad 18 pataas, walo sa bawat sampung pinoy consumers o 78% ay mas kakaunti ang kinakain kung ikukumpara sa inirerekomenda na servings ng gulay at prutas bawat araw.
Apat naman sa sampu katao o 41% hindi nakaiinom ng sapat na tubig na kailangan ng katawan kung kaya’t madali silang makaranas ng dehydration.
Bukod dito, lumabas din sa resulta ng survey na kalahating porsiyento sa nabanggit na edad ay hindi rin sapat ang ehersisyo.
Ang sitwasyong ito ay nakaaalarma para sa mga nutritionist na tulad ni Dr. Rocio Medina, ang Vice Chairwoman ng Nutrition Advisory Board ng isang global nutrition company at isa sa mga popular na speaker on nutrition.
Binigyang diin ni Dr. Medina na napakahalaga ng pagkakaroon ng balanced nutrition para magtaglay ng kaaya ayang kaanyuan at magandang pakiramdam.
Mangyayari lamang ito kung sa hapag kainan ay maghahain ng makukulay na gulay, sariwang isda at lean meat halimbawa ay manok.
Hindi rin dapat na kalimutang isama sa hapag kainan ang mga makukulay at masusustansyang prutas.
Ulat ni: Anabelle Surara