Mga opisyal ng MRT, pagpapaliwanagin ng Senado dahil sa madalas na aberya ng mga tren
Pagpapaliwanagin na ng Senado ang mga opisyal ng MRT 3 at maintenance provider nito sa paulit-ulit na aberya sa mga tren.
Ayon kay Senadora Grace Poe, chairman ng Senate Committee on Public Services, magpapatawag sila ng pagdinig sa pagbabalik ng sesyon sa susunod na linggo.
Kailangan aniyang ipaliwanag ng MRT kung bakit hindi pa mapapakinabangan sa susunod na tatlong taon ang mga bagong bagon na binili ng nakaraang administrasyon dahil wala umanong signaling system.
Iginiit ni Poe na hindi katanggap-tanggap ang palusot ng Busan Universal Rail Incorporated o BURI na hindi maiiwasan ang mga aberya dahil libu-libong pasahero ang sumasakay sa tren.
Paalala ni Poe, trabaho ng BURI na bantayan lalo na ang mga tren dahil sila ang maintenance provider ng MRT.
Ulat ni: Mean Corvera