Magdalo Rep. Gary Alejano aminadong wala pang sapat na numero para sa impeachment laban kay Pang. Duterte
Aminado si Magdalo Partylist Rep. Gary Alejano na wala pa silang sapat na bilang ng suporta sa inihaing impeachment complaint laban kay Pang. Duterte.
Ayon kay Alejano hindi muna nila hinihikayat ang mga kongresistang susuporta sa impeachment complaint laban sa Pangulo na lumagda at ilantad ang kanilang saloobin.
Paliwanag ni Alejano posibleng ma-harass lang ang mga ito kung ngayon pa lang ay malalaman na kung sinu- sinong mambabatas ang sumusuporta sa pagpapatalsik sa Pangulo.
Sa Kamara, dadaan sa proseso ang impeachment complaint sa House Justice Committee, pero kung sakaling mapagbotohang hindi sufficient in form o sufficient in substance ang reklamo, hindi ito mai-aakyat sa plenaryo.
Sakali namang mai-akyat sa plenaryo, kailangan na hindi bababa sa 98 na Kongresista ang dapat pumabor sa impeachment complaint para maipasa ito sa impeachment court o sa Senado.
Ulat ni: Madelyn Villar – Moratillo