Imbestigasyon ng Senado sa nadiskubreng secret cell sa MPD, itinakda na sa susunod na linggo
Itinakda na ni Senador Panfilo Lacson sa susunod na linggo ang imbestigasyon sa nadiskubreng secret jail sa station1 ng Manila Police District.
Sa Committee on Public Order and Dangerous Drugs na pinamumunuan ni Lacson nai-refer ang mga resolusyon na humihiling na imbestigahan ang isyu.
Ayon kay Lacson, padadalhan na ng imbitasyon si PNP Chief Ronald dela Rosa para pagpaliwanagin sa nadiskubreng bilangguan.
Nauna nang kinastigo ni Lacson si dela Rosa at pinagsabihang hindi tamang kinukonsinte ang paglalagay ng secret jail dahil mahigpit itong ipinagbabawal ng saligang batas.
Nauna nang sinabi ni dela Rosa na walang masama sa secret jail at walang ginagawang kalokohan ang kaniyang mga tauhan.
Ulat ni: Mean Corvera
