Mga miyembro ng Kamara agad bibigyan ng kopya ng declaration ng Martial Law – Speaker Alvarez
Agad bibigyan ng kopya ang bawat miyembro ng kongreso ng Proclamation 216 ni Pangulong Rodrigo Duterte na naglalagay sa Mindanao sa batas militar.
Sa panayam ng Liwanagin Natin sinabi ni House Speaker Pantaleon Alvarez , dumating kagabi sa kanyang tanggapan ang naturang dokumento na naglalaman ng dahilan kung bakit sa buong Mindanao ideneklara ang Martial Law.
Sa ngayon aniya ay wala pa siyang nakikitang dahilan para mag convene ang Kamara.
“Bibigyan po namin ng kopya ang bawat miyembro ng kongreso dun sa written report ng ating pangulo at ang sinasaad naman ng ating saligang batas na ang declaration ng ating pangulo ay valid, so sa tingin namin sa liderato ng kamara ay hindi pa kailangang mag convene kami ngayon’. –Speaker Alvarez
Kasabay nito , umapela si Alvarez sa publiko na huwag mabahala sa ideneklarang Martial Law dahil hindi naman ito kahalintulad ng ideneklara noon ni dating Pangulong Ferdinand Marcos.
“Huwag tayong masyadong mangamba dun sa pagdeklara ng Martial Law dapat nating isaisip at basahin ang ating saligang batas na ito ay maraming safeguard na inilagay upang sa ganun ay di maabuso ang batas militar at hindi kagaya ng kapanahunan ni Ferdinand Marcos”. – Speaker Alvarez
Ulat ni: Marinell Ochoa
