Pahayag ng AFP na kontrolado na ang sitwasyon sa Marawi City, posibleng maging basehan na ng revocation ng Martial Law
Naniniwala si Senadora Risa Hontiveros na tuluyan nang mapapawalang bisa ang idineklarang Martial Law ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Mindanao.
Ayon kay Hontiveros, may mga report ang military na kontrolado na nito ang sitwasyon sa Marawi City matapos magpalakat ng karagdang pwersa ang pamahalaan.
Iginiit ni Hontiveros na wala nang dahilan para gumamit pa ng extra ordinary action ang gobyerno sa ilalim ng Martial Law kung nakordon na nito ang mga miyembro ng Maute Group.
Pero inamin ni Hontiveros na wala pa namang balak ang Senado na ipa revoke ang idineklarang Martial Law.
Hinihintay pa rin aniya nila ang klarong report ng mga security official na pinahaharap sa Lunes para magpaliwanag kung ano ang naging basehan ng deklarasyon.
Bukod pa rito ang report ng Pangulo hinggil sa mga naging batayan bakit kinailangang magpatupad ng batas militar sa buong Mindanao at hindi sa Marawi City.
Kinumpirma naman ni Senate President Aquilino Pimentel na hindi pa nagsusumite ng report ang Pangulo hinggil dito.
Mamayang alas diez ng gabi matatapos na ang 48 oras na dedline para makapagsumite ng report ang Malacanang sa Kongreso.
Ulat ni: Mean Corvera
