Deklarasyon ng Martial Law kukwestyunin ng MAKABAYAN Bloc sa Kamara
Inihayag ng MAKABAYAN Bloc na pinagpaplanuhan na ng kanilang mga kaalyadong grupo na maghain ng petisyon sa Korte Suprema para kuwestyunin ang Martial Law declaration sa Mindanao.
Sa ilalim ng Saligang Batas, binibigyang daan ang pagre-review ng Kataas-taasang Hukuman sa deklarasyon ng batas militar ng isang Pangulo.
Hindi binanggit ni Act Teachers Rep. Antonio Tinio kung anong mga organisasyon ang aakyat sa Korte Suprema pero tiniyak niyang susuportahan ito ng buong MAKABAYAN Bloc.
Hindi maaaring ang MAKABAYAN congressmen ang magpetisyon dahil makikilahok sila sa proseso sa Kamara kapag tinalakay na ang Martial Law proclamation.
Sinabi pa ni Tinio na naniniwala silang hindi epektibong pang check and balance ang Kongreso sa usapin ng Martial Law dahil puno ito ng kaalyado ng Malakanyang.
Ang Korte Suprema ang pinakamabuting mag-review ng deklarasyon ng Pangulo dahil independent ito.
Ulat ni: Madz Villar – Moratillo
