Sen. Pangilinan, umaapela na magkaroon ng joint session ang Kongreso para talakayin ang Martial Law
Umaapela si Liberal Party President at Senador Francis Pangilinan sa mga kapwa niya mambabatas na magsagawa ng joint session ang Kongreso.
Itoy para talakayin ang Martial Law at pagsuspendi sa prebelihiyo ng writ of habeas corpus sa Mindanao
Giit ni Pangilinan, maaari namang gawing close door o idaan sa executive session kung makokompromiso ang patuloy na operasyon sa Marawi at ang kaligtasan ng mga sundalo roon
Nais malinawan ni Pangilinan kung sino talaga ang tutumbukin ng suspension ng writ of habeas corpus at matiyak na hindi magkakaroon ng mga paglabag sa karapatan ng mga sibilyan.
Binigyang diin ng Senador na ini-uutos ng writ of habeas corpus na iharap sa Korte ang isang taong inaresto at nagbibigay kapangyarihan sa bawat indibidwal na kwestyunin ang pagkaka-aresto sa kanya lalo na kung inaakala niyang iligal ang pag-aresto at pagkaka-kulong sa kanya.
Katwiran ni Pangilinan, hindi sinasabing kailangang aprubahan ng Kongreso ang dalawang matitinding kapangyarihan ng Punong Ehekutibo na nakaka-apekto sa karapatan ng milyun-milyong tao.
Inuutusan naman aniya ng saligang batas ang public officials na managot, maging bukas at ipatupad ang karapatan ng mamamayan para malaman ang mga usapin na nay kaugnay sa pampublikong interest.
Ulat ni: Mean Corvera
