Idineklarang Martial Law sa Mindanao, itinuturing pa na tagumpay ng Maute group
Tila naging daan pa para ituring na isang tagumpay sa Maute group ang pagdedeklara ni Pangulong Rodrigo Duterte ng Martial Law sa buong Mindanao.
Sa panayam ng Liwanagin Natin, sinabi ni Islamic Studies UP Prof Julkipli Wadi , matagal nang naghahanap ng atensyon ang Maute group para sila ay kilalanin upang makuha ang atensiyon ng grupong ISIS at tila ngayon ay nagtagumpay na ang grupo.
Aniya sa ginawang deklarasyon, hindi lamang ang atensyon ng Pangulo ang nakuha ng Maute kundi maging ng international terrorist group naISIS at maging ng ibang bansa na sumusubaybay sa tumitinding tensyon sa Marawi.
“Matagal nang naghahanap ng atensyon ng recognition ang Maute para makilala sila hindi lamang sa Pilipinas kundi maging sa Southeast Asia , sa Middle East sa iba pang parte ng mundo. at lumalabas ngayon na sa deklarasyon ng Pangulo ng Martial Law na para isang success o achievements o accomplishment na ang pagdedeklara ng Martial Law sa Pilipinas “. – Prof. Wadi
Sa kabila nito naniniwala si Wadi na may mabigat na dahilan si Pangulong Duterte kaya nito ideneklara ang Martial Law sa buong Mindanao subalit hindi aniya maiiwasang magtanong at magtaka ang nakararami kung gaano kalalim ang pinaghugutan ng Pangulo para ipatupad ang batas militar.
“So maraming katanungan na hanggang ngayon ay dapat masagot lalong lalo na ang ginawang deklarasyon ng Pangulo noong kasagsagan ng kanyang state visit sa Russia na kailangang putulin ito at hindi na natuloy ang ibang mahalagang misyon niya dun para lang personal niyang harapin ang problema dito sa Marawi ang tanong ganun ba ka seryoso ang threat ng Maute group”. – Prof. Wadi
Ulat ni: Marinell Ochoa
