TRO ng Korte Suprema laban sa contraceptive implants mananatili
Pinagtibay ng Korte Suprema ang inilabas nitong TRO na pumipigil sa DOH at FDA sa pag-apruba ng mga nakabinbing aplikasyon para sa registration, pagbili, distribusyon at recertification ng mga contraceptive implant na pinaniniwalaang abortifacient.
Sa resolusyon ng Supreme Court Special Second Division, nilinaw nito na ang mga contraceptive drugs at devices na sakop lamang ng TRO ay ang Implanon at Implanon NXT.
Hindi anila sakop ng TRO ang pagproseso sa iba pang family planning supplies na idineklara namang non-abortifacient.
Ayon pa sa Korte Suprema, hindi nila maaring bawiin ang TRO bago ang summary hearing na gagawin ng FDA na may mandato na resolbahin ang nasabing kontrobersya.
Kung naantala ang pamamahagi ng Implanon at Implanon NXT, walang ibang dapat sisihin kundi mismong ang mga respondent na kinabibilangan ng DOH at FDA.
Kung nagsagawa anila ng summary hearing noon pa ang FDA nang ilabas ang TRO noong 2015, dapat sana ay tapos na ang isyu sa mga kontraseptibo.
Ulat ni: Moira Encina