Sundalo at pulis na namatay sa bakbakan sa Marawi City, pinagagawaran ng Medal of Valor ni Cong. Castelo
Naghain ng resolusyon sa Kamara si Quezon City Cong. Winston Castelo para hilingin na gawaran ng medal of valor ang mga sundalo at pulis na nasawi sa pagkikipagbakbakan sa mga miyembro ng Maute Group sa Marawi City.
Nakasaad sa resolusyon na dapat bigyang pugay ang mga sundalo at pulis na nagsakripisyo ng buhay para idepensa ang seguridad ng bansa sa kamay ng mga terorista.
Binigyang diin ng kongresista na hindi matatawaran ang pagkabayani ng mga ito.
Pinakamataas na antas na ng serbisyo ang ibinigay ng mga ito para sa mga Pilipino kaya dapat lamang silang bigyan ng karapatdapat na Posthumous Medal of Valor.
Kasabay nito, ipinanukala ni Castelo ang pagtatag ng economic and welfare program para sa dependents ng mga sundalo at pulis na namamatay sa line of duty.
Sa panukala ng kongresista, ang programa na pangangasiwaan ng Department of Social Welfare and Development ay para sa financial, medical, educational assistance para sa dependents ng mga pulis at sundalo na nagbubuwis ng buhay sa gitna ng pagtupad ng tungkulin.
Ulat ni: Madelyn Villar – Moratillo
