VP Robredo sinagot ng Malakanyang sa panawagang bawiin ni Pangulong Duterte ang pahayag na hindi susundin ang SC at Kongreso sa Martial Law sa Mindanao
Hindi intensiyon ni Pangulong Rodrigo Duterte na balewalain ang Korte Suprema at Kongreso anuman ang maging pasya nito sa idineklarang Martial Law sa buong Mindanao.
Sinabi ni Presidential Spokesman Ernesto Abella ang pahayag ng Pangulo na tatapusin niya ang Martial Law sa Mindanao alinsunod sa magiging asessment ng militar at pulisya ay hindi nangangahulugan na hindi niya igagalang ang Korte Suprema at Kongreso.
Sagot ito ng Malakanyang sa panawagan ni Vice President Leni Robredo na dapat bawiin ng Pangulo ang kanyang pahayag na babalewalain niya ang desisyon ng Korte Suprema at Kongreso kung kokontrahin ang idineklarang Martial Law sa Mindanao bunga ng pananakop ng Maute group sa Marawi City.
Batay sa isinasaad sa Article 7 Section 18 ng 1987 Constitution ang mMrtial Law declaration ng Pangulo ay maaaring pakialaman ng Kongreso at Korte Suprema kung makikitang walang sapat na batayan.
Ulat ni: Vic Somintac