Bilang ng mga miyembro ng Maute group sa Marawi City nasa 100 na lang – AFP
Mababa na sa 100 ang natitirang miyembro ng Maute group na nakikipaglaban sa mga tropa ng pamahalaan sa Marawi City.
Paglilinaw ni Armed Forces of the Philippines Spokesman Brig. Gen. Restituto Padilla, estimated lamang ito at patuloy pa nilang kinukumpirma.
Sinabi ni Padilla na may mga residente pa rin sa lugar na naiipit pa rin sa war zone kabilang na ang bihag na paring Katoliko na si Chito Suganob na napapaulat na buhay pa pero kaunti lamang ang nakukuhang impormasyon sa kalagayan nito.
Samantala, sinabi rin ni Padilla na patuloy din nilang kinukumpirma kung nakatakas o nakalabas na ng Marawi City ang Abu Sayyaf leader na si Isnilon Hapilon.
Ayon kay Padilla, hanggang ngayon hinahanapan pa nila ng patunay o ebidensiya kung totoo nga ang nasabing ulat.
Ilang araw nang lumulutang na nakatakas na mula sa war zone si Hapilon at napapabalitang nag-aaway-away na rin ang mga natitirang miyembro ng Maute group dahil sa kakulangan ng pagkain ,mga armas at bala na panlaban sa mga sundalo kasunod ng pag-abandona sa kanila ni Hapilon.