Pinal na bilang ng mga biktima ng paputok sa pagsalubong sa 2018, umaabot sa mahigit 400
Kabuuang apatnaraan at animnaput-tatlo ang bilang ng mga nadale ng paputok sa pagsalubong sa bagong taon.
Ito ay batay sa pinal na tala ng doh sa ilalim ng Oplan Iwas-paputok ng kagawaran mula december 21, 2017 hanggang january 5, 2018.
Sinabi ng DOH na Mas mababa ang nasabing bilang ng 27 percent kumpara sa naitalang biktima ng paputok sa kaparehong panahon noong nakaraang taon.
Pinakamarami raw sa mga biktima ay mula sa Metro Manila na may 248 kaso; sumunod ang Ilocos Region na may 46 kaso; CALABARZON at Western Visayas na may tig-45 kaso; Central Luzon na 28; Central Visayas at Bicol na may tig-15 kaso.
Ayon pa sa DOH, walang napaulat na namatay dahil sa paputok, wala ring naitalang fireworks ingestion at stray bullet o ligaw na bala sa pagsalubong sa 2018.
Apatnaput -siyam na porsyento naman sa mga biktima ay nagtamo ng pinsala sa kamay; 17-percent ay sa mata; 14-percent ay sa braso; 13-percent ay tinamaan sa ulo habang 9-percent naman ay sa hita.
Pangunahing sanhi ng pagkasugat ay ang piccolo na may 33-percent; pangalawa ang kwitis na 12-percent; sumunod ang luces na 6-percent at fountain 5-percent.
Ulat ni Moira Encina