DOH, aminado na may mga natatanggap na report kaugnay sa tinatawag na long Covid-19
Aminado ang Department of Health na may mga natatanggap silang report hinggil sa mga pasyenteng nakarekober na mula sa covid-19 pero patuloy paring nakakaranas ng mga sintomas ng virus.
Ito yung tinatawag na long covid na ayon kay Health Undersecretary Ma. Rosario Vergeire ay kanila ng pinag-aaralan.
Ayon kay Vergeire, sa ngayon ay kinakalap na nila lahat ng mga impormasyon mula sa mga pasyenteng gumaling na pero may sintomas parin ng virus.
Ilan aniya sa kanilang mga natanggap na impormasyon na nararanasan ng mga nasabing indibidwal ay madalas na pananakit ng ulo, pakiramdam na pagod na pagod, mayroon din aniyang pasyenteng gumaling na pero matagal bago bumalik ang pang amoy at pang lasa.
Mayroon din aniyang mga nasa edad 50 pataas na nakakaramdam ng pananakit ng dibdib.
Pero paglilinaw ni Vergeire ang mga ganitong karanasan ay nangyayari rin maging sa ibang bansa.
Kaya naman aniya ang mga nakakarekober mula sa covid 19 ay pinapayuhan nilang magreport sa mga barangay health center kung makaramdam ulit ng sintomas ng virus.
Madz Moratillo