Vaccination plan sa pamamahagi ng COVID-19 vaccine dapat masunod ayon sa isang health advocate
Pinaalalahanan ng isang health advocate ang liderato ng Kamara na sundin ang vaccination plan ng gobyerno sakaling dumating na ang bakuna kontra COVID-19.
Ginawa ni Dr. Anthony Leachon ang paalala kasunod ng pahayag ni House Sec. Gen. Dong Mendoza na plano ni House Speaker Lord Allan Velasco na magkaron ng mass vaccination sa hanay ng mga kongresista at mga empleyado ng Kamara.
Paliwanag ni Leachon, bago pa maglabas ng mga ganitong pahayag si Velasco dapat ay makipag ugnayan muna ito kay Vaccination Czar Secretary Carlito Galvez o sa Inter Agency Task Force.
Sinabi pa ni Leachon na bagamat may inilaang pondo rito si Velasco kailangan parin nilang mag apply kung maaari silang mabigyan ng bakuna.
Nakadepende aniya sa Vaccine Czar, IATF at vaccine expert panel kung papayagan silang makasama sa priority list.
Kahit sa ibang bansa aniya ay mayroong template na sinusunod sa magiging pamamahagi ng bakuna.
Kabilang sa mga prayoridad na mabigyan ng COVID-19 vaccine ay mga frontline health workers, mga senior citizen, uniformed personnels, essential workers, mga guro at iba pang school workers, at iba pa.
Una rito tiniyak ng DOH na walang magiging palakasan sa pagbibigay ng bakuna.
Ayon kay Health Usec Ma Rosario Vergeire may mapasama mang opisyal ng gonyerno sa bibigyan ng bakuna titiyakin nila na pasok sila sa criteria.
Madz Moratillo