Virus tests para sa mga bata, sisimulan na ng Britanya matapos ang pagtaas sa bilang ng COVID-19 infection
LONDON, United Kingdom (AFP) — Inihayag ng gobyerno ng Britanya, na sisimulan na nila ang coronavirus tests para sa mga batang edad 11-18 sa pinaka apektadong bahagi ng London at sa southeast England, para subukang pigilan ang pagtaas sa bilang ng infections.
Sinabi ni UK Health Secretary Matt Hancock, na partikular niyang ipinag-aalala ang pagtaas sa bilang ng mga kaso sa London, at ilang bahagi ng Kent at Essex counties sa border ng British capital.
Sa isang news conference ay sinabi nito na lumitaw sa data na ang pinakamalaking pagtaas ay sa kalipunan ng mga batang nasa secondary school age, na maaaring magkaroon ng epekto sa mga mas nakakatanda sa mga linggong darating.
Ayon kay Hancock, “We need to take targeted action immediately.”
Niluwagan na ang isang buwan nang coronavirus restrictions sa magkabilang panig ng England sa mga unang bahagi ng Disyembre, ngunit hindi gaya sa panahon ng tatlong buwang UK-wide lockdown sa huling bahagi ng Marso, ang mga eskuwelahan ay namalaging bukas (open).
Sinabi ni Hancock, na magpapadala ng mobile testing units sa mga apektadong lugar para i-test ang mga bata, mayroon ma o wala silang sintomas ng COVID-19.
Dagdag na 516 na pagkamatay sa loob ng 28 araw ang naitala sa Britanya, kaya umabot na sa 63-libo ang kabuuang bilang ng mga nasawi, mula sa halos 1.8-milyong mga kaso.
Sa unang bahagi ng linggong ito, ang Britanya ang unang bansa na nagsimulang magbigay ng bakunang dinivelop ng Pfizer-BioNTech, sa 73 mga ospital sa magkabilang panig ng bansa.
© Agence France-Presse