Ina at kasintahan ng unang UK variant case sa Pilipinas, negatibo sa B.1.1.7
Nagnegatibo na sa B.1.1.7, ang ina at kasintahan ng Quezon City resident na nagpositibo sa UK COVID-19 variant pagdating nito sa bansa galing Dubai.
Ito mismo ang inanunsyo ng Quezon City government, sa kanilang facebook post nitong Biyernes.
Ayon sa lokal na pamahalaan ng Quezon City, patuloy na imomonitor ng mga doktor ang kalagayan ng mga ito, at tatapusin na lamang ang kanilang quarantine sa isolation facility.
Una nang sinabi ng Department of Health (DOH), na ang ina at kasintahan ng kauna-unahang UK variant case sa Pilipinas, na isang 29 anyos na residente ng Quezon City na nagpositibo sa COVID-19, ay kabilang sa 14 na naging contacts nito.
Nitong Biyernes, inanunsyo ng Quezon City local government, na ang nabanggit na 29 anyos na lalaki ay nagnegatibo na sa COVID-19 batay sa pinakabago niyang swab test.
Gayunman, sasailalim pa rin siya sa isang final medical assessment sa quarantine facility kung saan siya namamalagi, bago niya makasama ang pamilya at payagang makihalubilo sa komunidad.
Nitong Biyernes ng gabi ay kinumpirma rin ng health authorities, na ang UK variant ay na-detect din sa 16 na iba pang COVID-19 cases sa bansa.
Liza Flores