Agenda ng bilateral meeting ni Pang. Duterte kina Sultan Hassanal Bolkiah at Indonesian President Joko Widodo inilatag na ng Malakanyang
Inilabas na ng Malakanyang ang agenda ng bilateral meeting ni Pangulong Rodrigo Duterte kina Brunie Darrussalam Sultan Hassanal Bolkiah at Indonesia President Joko Widodo na parehong nagsasagawa ng state visit sa bansa kasabay ng ASEAN summit.
Ngayong araw, personal na makikipagkita kay Pangulong Duterte sa Malakanyang si Sultan Bolkiah at pangunahing agenda ng kanilang bilateral meeting ang ukol sa seguridad ng mga karagatan sa pagitan ng dalawang bansa, cross boarder patrol at economic cooperation.
Bukas naman ay personal ding makikipagpulong kay Pangulong Duterte si President Widodo sa Palasyo at isa sa pangunahing agenda ay may kaugnayan sa kasong kinakaharap pa rin ng Pinay drug mule na si Mary Jane Veloso na nahaharap sa parusang kamatayan sa pamamagitan ng firing squad.
Sinabi ni Presidential Spokesman Ernesto Abella na magandang pagkakataon ang state visit nina Sultan Bolkiah at President Widodo para lalong mapatatag ang relasyon ng Pilipinas sa mga karatig bansa na miyembro ng ASEAN.
Ulat ni: Vic Somintac