Agresibong aksyon ng mga barko ng China sa WPS nagbabago tuwing may MCA o Joint Sail ang AFP at ibang mga bansa

Napansin ng Armed Forces of the Philippines (AFP), ang pagbabago sa aksyon ng mga barko ng China Coast Guard (CCG) at People’s Liberation Army (PLA) Navy sa West Philippine Sea (WPS) sa tuwing may Multilateral Cooperative Activity (MCA) o Joint Sail ang AFP kasama ang ibang mga bansa.
Ayon kay Rear Admiral Roy Vincent Trinidad, Spokesperson for the West Philippine Sea, napansin nilang tahimik lang na nagmamasid ang mga barko ng China tuwing may aktibidad sa WPS.
Patunay aniya ito na epektibo ang MCA na regular na ginagawa ng AFP kasama ang warship ng ibang bansa sa pagpapanatili ng kapayapaan sa WPS.
Sa datos ng Philippine Navy, ngayong taon ay nakapagsagawa na sila ng 11 MCA sa WPS kung saan kamakailan lang ay nakasama nila ang Indian Navy.
Ngayong Martes, August 19, ay may isinasagawa ring MCA kasama naman ang mga barko ng Canadian Navy at Australian Defense Force, na bahagi ng Exercise Amphibious and Land Operations o Exercise ALON 2025 sa pagitan ng Pilipinas at Australia.
Isinagawa ito sa teritorial waters ng bansa sa Lubang, Mindoro patungo sa Palawan Island.
Mar Gabriel