Ali Khamenei ng Iran, napatay sa airstrikes ng Israel at US

0

A photo of the late Iranian Supreme Leader Ayatollah Ali Khamenei is shown on TV when the news of his death is announced, in Tehran, Iran March 1, 2026. Majid Asgaripour/WANA (West Asia News Agency) via REUTERS

Napatay sa air strikes ng Israel at Estados Unidos, ang 86-anyos na lider ng Iran na si Ayatollah Ali Khamenei, na tumapos sa 36 na taon niyang pamumuno sa bansa.

Tinarget ng magkasanib-puwersang operasyon ang kuta ni Khamenei sa central Tehran, matapos na mabigo ang ilang dekada na ring mga pagsisikap na resolbahin ang isyu tungkol sa nuclear program ng Iran.

Naging kritiko siya ng Washington sa buong panahon ng kaniyang pamumuno, at habang lumalawak ang serye ng mga bagong protesta sa buong Iran at banta ng pakikialam ni US President Donald Trump, nangako si Khamenei noong Enero na hindi susuko ang Iran sa kalaban.

Ang komento ay tipikal sa mabagsik na anti-Western na si  Khamenei, na naupo sa puwesto noong 1989.

Matagal nang itinatanggi ni Khamenei, na ang nuclear programme ng Iran ay may layuning bumuo ng isang atomic weapon, gaya ng sinasabi ng mga taga Kanluran.

Noong 2015, maingat niyang sinuportahan ang isang kasunduang nukleyar sa pagitan ng worldpowers at gobyerno ng pragmatist President na si Hasan Rouhani, na pumigil sa programang nukleyar ng bansa kapalit ng pagtatanggal sa sanctions. Ang pinaghirapan niyang kasunduan ay nagresulta sa bahagyang pag-aalis ng economic at political isolation ng Iran.

Ngunit ang poot ni Khamenei laban sa Estados Unidos ay hindi nabawasan, at tumindi pa noong 2018 nang umatras ang unang administrasyon ni Trump mula sa kasunduang nukleyar at muling nagpataw ng mga parusa upang sakalin ang oil at shipping industries ng Iran.

Habang pinipilit ni Trump ang Iran na sumang-ayon sa isang bagong nuclear deal noong 2025, kinonderna ito ni Khamenei at tinukoy si Trump bilang “the rude and arrogant leader of America.”

Sa ilalim ng pamumuno ni Khamenei, ilang taong nagkaroon ng “shadow war” ang Iran at Israel, kung saan pinagpapatay ng Israel ang nuclear scientists at Revolutionary Guard commanders ng Iran.

Subalit nabunyag na ito nang magkaroon ng giyera sa pagitan ng Israel at Hamas sa Gaza noong 2023.

Noong April 2024, nagpaulan ang Iran ng daan-daang missiles at drones matapos bombahin ng Israel ang compound ng embahada ng Tehran sa Damascus. Gumanti naman ang Israel.

Subalit pauna lamang sa pangyayari noong June 2025, kung saan nagpakawala ang Israel military ng daan-daang  fighter jets para salakayin ang Iranian nuclear at military targets, kasama ang senior personnel nito.

Ang sorpresang pag-atake ay nagresulta sa sunod-sunod na pagpapasabog ng mga missile ng magkabilang panig, na naging daan upang ang maging isa nang ganap na digmaan ang hidwaan. Sumali naman ang Estados Unidos sa opensiba sa himpapawid laban sa Iran, na tumagal ng 12 araw.

Ang U.S. at Israel ay nagbantang muling aatake kung itutuloy pa rin ng Iran ang kanilang nuclear at ballistic missile programmes and, at nito ngang Sabado, pebrero 28, ay inilunsad nila ang pinakamaambisyoso nilang pag-atake sa Iranian targets.

Ang pinakahuling mga negosasyon ay nangyari noon lamang Huwebes sa pagitan ng U.S. at Iranian officials, ngunit sinabi ng senior U.S. officials na hindi “willing” ang Iran na huwag gamitin ang kanilang “uranium enriching capability,” na ayon sa argumento ng Iran ay para lamang sa nuclear energy, pero sinabi ng U.S. officials na ito ay magbibigay lamang ng pagkakataon sa Iran upang bumuo ng isang nuclear bomb.

Tulad ng lahat ng Iranian officials, pinabulaan ni Khamenei ang anumang intensiyon na mag-develop ng nuclear weapons, at umabot pa nga sa puntong nagpalabas ito ng isang Islamic ruling, o fatwa, sa kalagitnaan ng 1990s sa produksyion at paggamit ng nuclear weapons, sa pagsasabing, “It is against our Islamic thoughts.”

Iniwan ng yumaong si Khamenei ang isang Islamikong Republika na nakikipagbuno sa kawalan ng katiyakan sa gitna ng mga pag-atake mula sa Israel at Estados Unidos, pati na rin ang lumalaking pagtutol sa loob ng bansa, lalo na mula sa mga nakababatang henerasyon.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *