“Anti-Distracted Driving Act”, ipatutupad na ng DOTr simula bukas
Ipatutupad na ng Department of Transportation ang “Anti-Distracted Driving Act” simula sa Bukas, May 18, 2017.
Dahil dito, bawal nang gumamit ng cellular phones ang mga nagmamaneho saan man sa bansa.
Batay sa Implementing Rules and Regulations na inilabas ng DOTr, hindi maaaring gawin ng mga motorista ang mga sumusunod habang umaandar ang sasakyan o kahit pa nakahinto sa stoplight o intersection:
- paggamit ng mobile communication device kahit mag-text;
- magpadala o magbasa ng text-based communication;
- tumawag, sumagot ng tawag; o anumang katulad na gawain
Ang mga sasakyang pang-agrikultura, gaya ng traktora, o mga gamit sa construction, gaya ng bulldozers o crane, ay sakop ng mga nasabing pagbabawal kung dumadaan ito sa mga pampublikong daanan.