Anti Distracted Driving Law pinasususpinde muna ng House Justice Committee

0
distracted1

Ipinasususpinde muna ng mga kongresista sa Transportation Regulatory Offices ang panghuhuli sa mga lalabag sa Anti Distracted Driving Act.

Nagkaisa ang mga miyembro ng House Committee on Transportation na dapat ay magsagawa muna ng malawakang information campaign para sa implementasyon ng kontrobersyal na batas.

Ayon kina Committee Chairman Cesar Sarmiento, Ako Bicol Rep. Rodel Batocabe at Antipolo Cong. Romeo Acop, na isa sa may akda ng nasabing batas, malinaw naman ang nakasaad dito na dapat ay magkaroon munang malawakang information dissemination kaugnay sa nilalaman ng batas sa loob ng anim na buwan bago simulan ang panghuhuli sa mga lumalabag dito.

Ayon kay Sarmiento, nitong Mayo lang inilabas ang Implementing Rules and Regulations para sa nasabing batas kaya ang dapat na gawin ng mga nasa Transportation Office ng gobyerno ay ipaunawa  muna sa publiko ang nilalaman nito para maiwasan ang kalituhan gaya ng nangyayari ngayon.

Gayunman hindi makapagbigay ng commitment ang mga opisyal ng Land Transportation Office at Land Transportation Franchising and Regulatory Board sa hiling ng mga kongresista.

Buwelta ni LTO  Chairman Edgar Galvante, sa mga kongresista kung may mangyaring aksidente habang suspendido ang Anti Distracted Driving Law ay maidadahilan ba nilang nangyari ito dahil sa suspended ang implementasyon ng batas.

Pero sa pagdinig ng komite kanina, nilinaw ng mga opisyal ng LTO at LTFRB na matagal nang ipinagbabawal ang paglalagay ng kung ano anong bagay sa ibabaw ng dashboard  ng mga sasakyan na nakakadistract sa atensyon ng driver.

Pero ito ay batay na rin sa joint administrative order ng LTO, LTFRB at MMDA subalit hindi sa ilalim ng Anti Distracted Driving Act.

Sa ilalim ng nasabing batas, bawal ang paggamit ng gadgets gaya ng cellphone habang nagmamaneho dahil karaniwang nagdudulot ito ng mga aksidente sa lansangan.

Ulat ni : Madelyn Villar – Moratillo

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *