Bayan Muna representative Carlos Zarate, hinimok ang senado na ibasura ang panukalang Tax Reform ng pamahalaan

0
images
Matapos makalusot sa Kamara, ang senado na lamang ang nakikitang pag-asa ni Bayan Muna Representative Carlos Zarate para hindi tuluyang maging ganap na batas ang isinusulong na Tax Reform ng Duterte Administration.
Apila ni Zarate sa mga senador na ibasura ang nasabing panukala na mas lalu lamang magpapahirap sa mayorya ng mga Filipino.
Hinikayat rin ni Zarate ang publiko na tutulan ang nasabing panukala at makilahok sa mga protesta laban sa tax reform for acceleration and inclusion bill.
Batay aniya sa kanilang pag-aaral, kung ang isang propesyunal na kumikita ng 25 libong piso sa isang buwan at may 3 dependents ay gagastos ng halos 3o libong piso dahil sa mga karagdagang buwis na nakapaloob sa nasabing panukala.
Sa ilalim ng tax reform bill, may anim na pisong dagdag excise tax sa bawat litro ng produktong petrolyo na tiyak umanong magdudulot ng pagtaas ng presyo sa mga bilihin at singil sa serbisyo kasama na ang dagdag pasahe.
May sampung piso na rin na ipapataw na buwis sa bawat litro ng sugar sweetened products.
Ayon sa kongresista, kung ganito lang ang mangyayari ay mabuti pang huwag na lamang galawin ang kasalukuyang sistema ng pagbubuwis.
(Ulat ni Madz Villar Moratillo)

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *